Thursday, September 18, 2008

BAND AID

Naalala ko noong mga bata pa kami, meron akong pinsan na laging nadadapa, dahil siguro matangkad sya, marami syang nasasaging mga bagay. Kapag naglalaro kami, tapos madadapa sya, iiyak sya ng malakas tapos hindi sya titigil hangga’t hindi nilalagyan ng Lolo ko ng band aid yung tuhod nya, kahit wala namang sugat o kahit kapirasong galos. Natatawa na nga lang kaming magpipinsan, kase kahit walang sugat, kahit may konting lamog lang sa pagkakadapa, pinalalagyan nya na agad ng band aid.

Ganun ang bata, may kanya kanyang paraan ng paggamot sa sarili, sa pinakamadaling pamamaraan na alam nila, sa pinakamababaw na dahilan. Yung konsepto ng band aid bilang pampatigil ng iyak ay isang paraan na rin ng pagdamay sa parte naman ng Lolo ko, basta tumahan lang si ate. At si ate naman, matapos malagyan ng band aid yung tuhod na walang sugat, makikipaglaro na uli sa amin, kahit medyo masakit pa yung tuhod dahil nalamog. Sa isip ng isang musmos, nagagamot nya ang kanyang sarili.

Kapag tumanda ka na, hindi na pwedeng ganun. Sana nga pwedeng ganun. Sana nga ganun lang kadali. Magkano lang naman ang band aid dito sa tindahan sa kapitbahay, kahit siguro punuin ko yung tuhod ko, pwede, kung ang kapalit nun ay mawawala din yung sakit at lamog. Sa konsepto ng isang hindi na musmos, pang telepantasya na lang yung ganun. Hindi syempre pwede yun sa reyalidad ng buhay. Kung pwede yun, ako na sana ang unang-unang gumaya kay ate, bibili ako ng 48 piraso ng band aid para ilagay sa katawan ko. Para maya-maya lang, pwede na uli akong sumabak sa agos ng buhay. Kahit gawin ko pang 50 piraso yung band aid.

Pag sobrang sakit yung nararamdaman mo, bukod pa sa sakit na mayroon ang pisikal na katawan, mas nakahihina at mas nakapipilay yung sakit sa kalooban. Minsan nagtititig ka na lang. Bago ko nga gawin ang artikulong ito, ilang beses kong iniisip kung anung paraan ba ang dapat kong gawin para hindi ko na mararamdaman yung sakit. Hindi pwedeng umiyak ng malakas kung literal, gaya ni ate nung bata pa kami. Pero kung naririnig mo yung nararamdaman ko, kanina pa ako nananaghoy. Walang magbibigay ng band aid. Hindi kaya ng powers ng band aid.

Saka ko naisip, masarap maging bata, napakasimple ng suliranin. Saka laging may nakaalalay sayo. Pero bata yun. Kahit ako ngayon, ayoko ng lumalapit sa iba para lang humingi ng band aid. Ayoko ng ganun ka-needy. Kase gusto kong ipakita sa lahat na malakas ako, na sa sarili kong desisyon, na sa sarili kong ‘self made band aid’, magagamot ko yung sugat. Gaya ni ate, kaya ko ulit lumaro at maging masaya.

****************************
Para sa isang taong pinag-ukulan ko ng panahon, oras, pagmamahal at atensyon, unti-unti kong kakayaning maghilom. Hinihintay ko ang araw na masasabi ko na hindi na ako nasasaktan ng paulit-ulit dahil sa laro ng buhay ko, hindi ka na parte nito.

2 comments:

JancyBhebz said...

hmmmp band aid, uo nga, kung ganyang nga lang, AKO PA ANG MAGKAKABIT NG BAND AID SA IYO!


Go frend go with the flow...

allen said...

mas okey talaga pag bata, mas madaling gamutin ang sugat sa tuhod, kesa sa sugat sa puso...

don't worry fahri... we will claim our victory!

Followers